LUMAHOK ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa unang quarter ng 2026 upang mabigyan ang mga Malabueño ng kaalaman at kahandaang kailangan sa panahon kalamidad lalo sa lindol.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pakikipag-ugnayan sa Malabon City Police Station, Bureau of Fire Protection, iba’t ibang departamento at organisasyon ng pamahalaang lungsod na ginanap sa Malabon City Hall at sa kahabaan ng F. Sevilla Boulevard.
Isinagawa sa drill ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod ang “Duck, Cover, and Hold” na pamamaraan upang gayahin ang wastong mga hakbang sa kaligtasan sa panahon ng lindol.
“Ang paglahok sa 1st Quarter National Simultaneous Earthquake Drill ay mahalaga dahil hindi lang nito ibinibigay ang mga kaalaman, kundi isinusulong din nito ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mas sistematikong paraan ng pagprotekta sa buhay ng bawat isa lalo na kung may lindol o iba pang kalamidad,” pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.
Isang senaryo rin ang isibagawa sa tamang paglikas mula sa mga gusali pagkatapos ng pagyanig, kasama ang mga simulate na search and rescue operation, inspeksyon ng mga pasilidad, pagtatasa ng pinsala, at koordinasyon sa response teams upang matiyak ang kahandaan sakaling magkaroon ng aktwal na emerhensiya.
Ipinakita rin ng BFP ang mga pamamaraan ng pagtugon nito sakaling mangyari ang mga insidente ng sunog sa panahon o pagkatapos ng lindol.
Binigyang-diin din ni Acting City Administrator at City Planning and Development Department Head Ms. Shella Cabrera ang kahalagahan ng paghahanda at koordinasyon sa mga tanggapan ng lungsod at komunidad.
“Ang mga ganitong pagsasanay ay mahalaga upang mas mapalakas ang kahandaan ng ating lungsod sa oras ng sakuna. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, koordinasyon at partisipasyon ng bawat isa, masisoguro nating mas magiging handa ang Malabon sa anumang sakuna,” sabi niya. (JUVY LUCERO)
