Nagkaisa ang mga katutubong mamamayan, mga grupong pangkalikasan, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa harap ng Central Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngayong Biyernes upang gunitain ang International Day of Action for Rivers.
Sa gitna ng malakas na panawagan, mariing kinondena ng mga grupo ang pagpapatayo ng mga dambuhalang dam at mga proyektong renewable energy na nagdudulot umano ng pagkawasak ng mga river system at sapilitang pagpapaalis sa mga residente.
Sa pamumuno ng grupong Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, isinagawa sa kilos-protesta ang isang simbolikong “paglulunod” sa mga larawan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga ahensya ng gobyerno, at mga korporasyong nasa likod ng mga nasabing proyekto.
Ang aktibidad na ito ay nagsilbing pagsasalarawan sa kanilang hiling na panagutin ang mga opisyal sa itinuturing nilang pandarambong sa mga ilog at sa mga ancestral lands ng mga katutubo.
Mariing hiningi ng mga grupo ang agarang pagpapatigil sa mga mapanirang proyekto na lumalamon sa mga lupang ninuno at mga katubigan, kasabay ng panawagan para sa isang pro-people at pro-environment na uri ng pag-unlad.
Binigyang-diin ng mga raliyista na dapat igalang ang karapatan ng mga Indigenous Peoples at protektahan ang likas na yaman ng bansa mula sa interes ng malalaking negosyo.
“Nilulunod ang taong bayan sa mga mapanirang proyekto at sa malawakang korapsyon sa gobyerno, kaya makatarungan lamang ang panawagang lunurin sa pananagutan si Marcos Jr. at ang kanyang mga kasabwat na korporasyon na nagpapahintulot dito,” pahayag ng grupo sa kanilang pagtatapos.
