Muling nagpakawala ng mga matitinding pahayag si dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) at ang usapin ng destabilisasyon sa bansa.
Sa ginanap na “The Agenda @ Club Filipino” media forum, binigyang-diin ni Trillanes na ang nagbabagong ihip ng hangin sa administrasyong Marcos—mula sa hindi pakikipagtulungan tungo sa posibleng pagpapatupad ng warrant ng ICC—ay bunga ng mga tangka ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patalsikin ang kasalukuyang pamunuan.
Ayon sa dating senador, nagsimula ang mga kilos na ito noong 2023.
“Bakit naman siya [Duterte] poproteksyunan? Eh pinapatalsik niya yung gusto niyang mag-protect sa kanya. So nauwi tayo sa nung na-issue yung warrant, diniretso siya sa The Hague,” ani Trillanes.
Kaugnay nito, mariing pinabulaanan ni Trillanes ang alegasyon ng 18 dating Marines na umano’y binayaran niya ang mga ito para sa “ICC operations.”
Tinawag niya itong isang “well-funded at well-planned” na destabilization plot. Giit ni Trillanes, ang paglantad ng mga naturang sundalo ay hindi kabayanihan kundi isang panganib sa mga testigo.
“Anong patriotic duty ang sinasabi niyo by exposing these witnesses, these ICC investigators na naghahanap lang ng hustisya para doon sa mga nangamatay noon? … Sa aspeto na nagbigay kayo ng panuhol sa akin para doon sa ICC operations, doon tayo talagang magkakano—hindi magkakaayos dahil alam nila na hindi totoo yan.”
Hindi rin nakaligtas sa kritisismo si Vice President Sara Duterte.
Tahasang sinabi ni Trillanes na hindi karapat-dapat ang bise presidente sa pwesto dahil sa mga bayolenteng pahayag nito.
Ibinunyag din niya ang pagkakaroon ng bilyon-bilyong piso sa mga bank account ng pamilya Duterte na plano niyang ilahad bilang ebidensya sa impeachment proceedings.
“I want everybody to imagine and visualize a Sara Duterte presidency. … Nakita niyo yung video ni Sara? Nakita niyo na pupugutan niya yung ulo ng presidente? Nag-hire siya ng assassin. Imaginin niyo kung hawak niyan yung presidential powers. Dapat kilabutan kayo.”
Sa huli, nanawagan ang dating senador para sa isang “Unity Candidate” sa darating na 2028 elections upang harapin ang kampo ng mga Duterte.
