Nanawagan ang isang grupo ng mga retiradong alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA) kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na panatilihin ang propesyonalismo at iwasan ang paggawa ng “public spectacle” sa nagpapatuloy na imbestigasyon laban kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez.
Sa isang liham na ipinadala nitong Biyernes, binigyang-diin ng PNPA Lakan Retirees Association, Inc. (PLRAI) na bagama’t kinokondena nila ang korapsyon at nananatiling neutral sa mga akusasyon, nababahala sila sa paraan ng paglalabas ng impormasyon sa publiko.
Ayon kay retired Police Brig. Gen. Rudy Lacadin, pangulo ng PLRAI, hindi mainam na isinasapubliko ang bawat detalye ng alegasyon habang wala pang pinal na desisyon ang imbestigasyon.
“Igalang natin ang proseso. Hinihiling ko sa inyong tanggapan na tiyaking ang imbestigasyon ay isasagawa nang may mataas na antas ng propesyonalismo, obhetibo, at patas,” ani Lacadin sa liham.
Kinumpirma ni Lacadin na ang liham ay repleksyon ng “consensus” o pagkakaisa ng kanilang samahan. Si Fernandez ay miyembro ng PNPA Sandigan Class of 1994.
Hindi naman nagpa-tinag si Secretary Remulla sa pahayag ng grupo. Sa isang maikling mensahe, sinabi ng kalihim na wala siyang itatanging komento sa hiling ng mga retirado.
“I take no exception. Ang opinyong mahalaga ay ang sa Sandiganbayan,” giit ni Remulla.
Matatandaang nitong Miyerkules ay pormal nang nagsampa ang DILG ng reklamong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman laban kay Fernandez dahil sa alegasyon ng pagtanggap ng P14.752 milyong kickback mula sa pagbili ng 132 units ng ambulansya noong 2024.
Bukod dito, isiniwalat din ni Remulla ang talamak na sistema ng korapsyon sa kawanihan na umano’y kumikita ng P15 bilyon taon-taon sa pamamagitan ng mga kuwestyonableng transaksyon sa fire extinguishers at bayad mula sa mga bagong aplikante.
