Agarang nag-utos ang Department of Transportation (DOTr) ng mas masusing sanitation at pest control measures sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos mag-viral sa social media ang mga larawan ng mga ipis sa loob ng isang tren.
Sa mga larawang kumalat sa Facebook nitong linggo, makikita ang tumpok ng maliliit na ipis na nagtatago sa loob ng mga handrail ng tren. umani ito ng samu’t saring reaksyon at batikos mula sa mga commuter na nananawagan ng agarang aksyon mula sa pamunuan.
Dahil sa insidente, inatasan ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez si MRT-3 General Manager Michael Capati na magsagawa ng imbestigasyon at higpitan ang mga proseso sa paglilinis.
Ayon kay Lopez, agad na hinugot sa linya ang nasabing train set para sa inspeksyon at disinfection ng mga maintenance personnel. Naglabas din ang MRT-3 ng Notice to Explain laban sa Sumitomo Corporation, ang maintenance provider ng tren, upang ipaliwanag kung paano nagkaroon ng peste sa loob ng bagon.
Bagama’t bahagi na ng regular na maintenance ang paglilinis, tiniyak ni Capati na lalo pang paiigtingin ang monitoring at sanitation protocols upang hindi na ito maulit.
“Tinitiyak namin sa publiko na mas hihigpitan ang aming monitoring at sanitation efforts para sa kaligtasan at kumportableng pagbiyahe ng ating mga pasahero,” pahayag ng pamunuan.
Ang MRT-3 ay isa sa pinakaabalang linya ng tren sa Metro Manila na nagsisilbi sa libu-libong pasahero araw-araw. Dahil dito, naging malaking usapin sa online community ang kalinisan at kaligtasan sa loob ng mga pasilidad nito.
