Nakahandang magharap ang panig ng prosekusyon ng kabuuang 56 na saksi laban kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim na iba pang kapwa-akusado sa kasong graft na nakahain sa Sandiganbayan Fourth Division.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y P92.8-milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan na iniulat na tapos na ngunit natuklasang hindi pala naipatupad matapos ang isinagawang inspeksyon.
Ayon kay Christina Marallag-Batacan, acting director ng prosecution bureau ng Office of the Ombudsman, tiwala ang kanilang koponan sa mga testimonya ng kanilang mga saksi nitong Huwebes.
Ipinaliwanag niya na bagama’t marami ang bilang ng mga saksi, maaaring hindi na kailanganin ang lahat sa aktwal na paglilitis dahil ang ilan ay magbibigay lamang ng mga corroborative statement o patunay na magpapatibay sa mga naunang pahayag upang mapabilis ang takbo ng kaso.
Samantala, tiniyak naman ni Atty. Francesca Señga, abogado ni Revilla, na handa ang kampo ng depensa na harapin ang mga saksi ng prosekusyon.
Batay sa kanilang pretrial brief, nagbabalak ang kampo ng senador na magprisinta ng hanggang 14 na saksi, bagama’t hindi pa isinasapubliko ang pagkakakilanlan ng mga ito. Nakatakdang magsimula ang pormal na paglilitis sa April 7 para sa nasabing kaso na isinampa ng Ombudsman noong Enero.
