Magtutungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York, USA mula March 8 hanggang 11 upang makilahok sa mga aktibidad ng United Nations (UN).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Biyernes, March 6, magsisilbing mahalagang boses ang Pilipinas sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Dadalo ang Pangulo sa pagbubukas ng ika-70 sesyon ng Commission on the Status of Women at inaasahang mananawagan ng hinahon, respeto sa international law, at pagbabalik sa usapang pangkapayapaan para sa kaligtasan ng mga sibilyan, partikular na ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Bukod sa panawagan para sa kapayapaan, gagamitin din ng Pangulo ang pagkakataon upang isulong ang kandidatura ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa UN Security Council (UNSC) para sa terminong 2027–2028.
Sa ilalim ng temang “Partner, Pathfinder, Peacemaker,” ibibida ng bansa ang karanasan nito sa peacebuilding, gaya ng tagumpay sa Bangsamoro region, at ang matagal nang commitment nito sa multilateralism at karapatang pantao mula pa noong itatag ang UN noong 1945.
Nakatakda ring makipagpulong ang Pangulo kay UN Secretary-General Antonio Guterres upang muling pagtibayin ang ugnayan ng Pilipinas sa organisasyon.
Sa kabila ng mga serye ng pagpupulong sa UN, nilinaw ni DFA spokesperson Angelica Escalona na walang nakatakdang pakikipagkita si Marcos kay US President Donald Trump o sa iba pang world leaders sa naturang biyahe.
Wala rin umanong schedule para sa pakikipaghalubilo sa Filipino community sa New York.
Bagama’t hindi pa idinedetalye ang lahat ng tatalakayin, tiniyak ng DFA na hindi mawawala sa agenda ang mga usaping may kinalaman sa soberanya, maritime security, at ang pandaigdigang ekonomiya na direktang nakaaapekto sa mga Pilipino. Ito na ang ikaanim na pagbisita ng Pangulo sa Estados Unidos mula nang manungkulan siya noong 2022.
