Mariing kinondena ng aktor na si Gil Cuerva ang pagpapakalat ng isang pribadong video online na kinasasangkutan niya at ng iba pang mga personalidad.
Sa kanyang pahayag nitong Huwebes, March 5, binigyang-diin ni Cuerva na ang naturang video ay kinuha nang walang pahintulot at isang malinaw na paglabag sa kanyang karapatan at pribadong buhay.
Ayon sa aktor, ang paggamit ng nakatagong camera at ang pagkakalat ng recording na ito ay itinuturing na isang seryosong krimen na hindi dapat kunsintihin ng publiko.
Nilinaw ni Cuerva na ito na ang una at huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa isyu upang matuldukan na ang mga usap-usapan.
Sa kabila ng kinakaharap na kontrobersya na idinadawit din ang mga aktor na sina Arron Villaflor, Ron Angeles, at Nikko Natividad, tiniyak ni Gil sa kanyang mga tagahanga na siya ay nasa mabuting kalagayan.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga tagasuporta na nanindigan para sa kanya sa gitna ng pagkalat ng video sa iba’t ibang social media platforms.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nakiusap ang aktor na irespeto ang kanyang privacy at huwag nang palakihin pa ang isyu.
“I’m okay, I’m fine, and life goes on,” anang aktor bilang pagpapakita na nais na niyang magpatuloy sa kanyang buhay at trabaho sa kabila ng malisyosong pag-atake sa kanyang pagkatao. Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang iba pang mga aktor na idinadamay sa nasabing video scandal.
