Nananatiling malakas ang tradisyunal na paniniwala ng mga Pilipino pagdating sa dibisyon ng gawaing bahay at paghahanapbuhay, ayon sa Fourth Quarter 2025 survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa naturang pag-aaral na ginanap noong November 24 hanggang 30, lumabas na 83 porsyento ng mga respondent ang sumasang-ayon sa pahayag na “ang trabaho ng lalaki ay kumita ng pera; ang trabaho naman ng babae ay mag-alaga ng tahanan at pamilya.”
Nakapagtala ito ng net agreement score na +75 na ikinasipika ng SWS bilang “extremely strong,” mas mataas kumpara sa +69 na naitala noong September 2021.
Kasabay nito, 81 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala na ang pagiging housewife ay kasing-itimbang lamang ng pagtatrabaho nang may sweldo pagdating sa pagiging “fulfilling” o kasiyahan sa buhay.
Suportado rin ng 75 porsyento ng mga kalahok ang ideya na bagama’t maayos ang pagkakaroon ng trabaho, ang tunay pa ring hinahangad ng nakararaming kababaihan ay ang magkaroon ng sariling tahanan at mga anak.
Bagama’t 71 porsyento ang kumikilala na kaya ring makabuo ng mainit at ligtas na relasyon sa mga anak ang isang inang nagtatrabaho, 63 porsyento naman ang nagpahayag ng pangamba na maaaring maapektuhan o “mag-suffer” ang isang batang nasa pre-school kung ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa labas.
Ang nationwide survey na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na nasa edad 18 pataas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nahati ang mga kalahok sa tigi-300 mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao upang makuha ang kabuuang pulso ng bansa hinggil sa nagbabago o nananatiling kultura ng pamilyang Pilipino sa modernong panahon. (LIMUEL TOLENTINO)
