Binigyang-diin ng Bureau of Customs (BOC), sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno, ang seryosong kampanya nito laban sa smuggling at katiwalian matapos kumpirmahin ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga erring personnel ng kawanihan.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng anim na kasong kamakailan ay inendorso sa Department of Finance (DOF) sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung saan kabilang sa mga respondent ang ilang empleyado ng BOC na napatunayang lumabag sa batas.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, hindi mangingimi ang kawanihan na ipatupad ang batas nang walang kinikilingan. Aniya, ginagawa ng BOC ang lahat ng hakbang upang masiguro na makakamit ang hustisya laban sa mga indibidwal na sumisira sa integridad ng kalakalan sa bansa.
“Hindi natin papayagan ang mga tiwaling tauhan na lumalabag sa batas ng customs. Ang lahat ng responsable ay haharap sa kaukulang pananagot,” pahayag ni Nepomuceno.
Dagdag pa ng komisyoner, ang mga aksyong ito ay hindi lamang para parusahan ang mga lumalabag, kundi para protektahan din ang mga lokal na magsasaka at panatilihin ang patas na kondisyon sa merkado.
Batay sa pahayag ni BOC Spokesman Atty. Chris Noel Bendijo, bagama’t tatlong consignee ang pangunahing target ng mga reklamo dahil sa malakihang smuggling, siniguro ng kawanihan na kasama rin ang kanilang mga tauhan sa pananagot. Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa mga iregularidad sa pagpoproseso ng agricultural shipments sa Port of Subic, kabilang ang hinihinalang misdeklarasyon at ilegal na pagpapalusot ng kargamento.
Sa kabuuan, siyam na kawani ang nahaharap sa criminal complaints para sa paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act, habang 19 pang tauhan ang isinailalim sa mga kasong administratibo dahil sa neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Alinsunod sa batas, ang mga draft criminal complaint ay ipinadala na sa DOF para sa kaukulang pagsusuri at pag-apruba bago ito pormal na ihain sa Department of Justice (DOJ).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng Bureau of Customs na itaguyod ang transparensya at institusyonal na integridad, habang tinitiyak na walang sinuman ang sasantuhin sa laban ng gobyerno kontra sa ilegal na kalakalan. (ARSENIO TAN)
