Umusad na sa susunod na yugto ang mga reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos ideklara ng House Committee on Justice na “sufficient in substance” ang dalawang aktibong petisyon ngayong Miyerkules.
Sa ginanap na botohan, kapwa nakakuha ng 54 na pabor na boto ang ikatlo at ikaapat na reklamo, habang tanging si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay lamang ang bumoto ng “No.” Dahil dito, pormal nang bibigyan ng kopya ng mga reklamo ang Bise Presidente at inaasahang magsusumite ng kanyang sagot sa loob ng sampung araw.
Ang dalawang reklamo, na iniendorso nina Rep. Leila de Lima, Deputy Speaker Paolo Ortega, at Rep. Bienvenido Abante Jr., ay naglalayong patalsikin ang Bise Presidente sa pwesto dahil sa diumano’y maling paggamit ng confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at DepEd; paratang ng panunuhol sa mga opisyal ng gobyerno; direktang banta umano sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.; at ang isyu ng unexplained wealth at hindi tamang deklarasyon sa SALN.
Ang pag-usad ng kaso ni Duterte ay kabaligtaran ng nangyari sa impeachment proceedings laban kay Pangulong Marcos Jr. noong nakaraang buwan, kung saan nabigo ang mga reklamo na makapasa sa “substance test.” Ang pagkabigong iyon ay nagkaloob sa Pangulo ng isang taong immunity mula sa anumang bagong reklamo.
Matapos matanggap ang opisyal na abiso, mayroong 10 session days ang kampo ni Duterte upang maghain ng counter-affidavit.
Ayon sa House rules, ang komite ay may kabuuang 60 session days mula nang simulan ang proseso noong Pebrero 23 upang maglabas ng pinal na desisyon kung itutuloy ang pagdinig sa plenaryo.
Sa kabila ng pag-usad ng kaso, nananatiling hamon ang “numbers game” sa Kamara.
Ang National Unity Party (NUP), na ikalawa sa pinakamalaking bloc sa House, ay nagpahayag kamakailan na hindi sila basta-basta susuporta sa impeachment maliban na lamang kung may lalabas na mga bagong matibay na ebidensya.
