Ibinida nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang matagumpay na Integrated Flood Control Strategy ng lungsod sa naging pagbisita ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ngayong Miyerkules.
Layunin ng inspeksyon na mas mapatibay ang koordinasyon sa pagitan ng lokal at nasyonal na pamahalaan upang matapos ang mga proyektong imprastraktura bago sumapit ang panahon ng tag-ulan.
Binigyang-diin ni Rep. Marcy Teodoro na ang sikreto sa likod ng paghupa ng baha sa Marikina sa nakalipas na tatlong taon ay ang pag-uugnay ng mga proyekto ng local at national agency.
Ipinaliwanag niya na ang diskarte ng lungsod ay nakatuon sa pagpapalalim at pagpapalapad ng Marikina River, na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 23 metro ang lalim sa 23 metro ang lalim sa ilang bahagi, upang mapabilis ang agos ng tubig at madagdagan ang kapasidad nito.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng kanilang “whole-of-government approach” kung saan ang mga drainage system ng lokal na pamahalaan ay sadyang idinisenyong perpendicular sa ilog upang mabilis na mailabas ang tubig mula sa mga komunidad.
Bukod dito, aktibo ring nakikipag-ugnayan ang Marikina LGU sa Wawa Dam Authority para sa kontroladong pagpapakawala ng tubig bago pa man lumakas ang ulan, isang estratehiyang naging susi kaya hindi binaha ang lungsod sa nakalipas na tatlong taon kumpara sa ibang lugar sa Metro Manila.
Humanga naman si Sec. Vince Dizon sa ipinamalas na sistema ng lungsod. Ayon sa kalihim, nais niyang magsilbing modelo ang Marikina para sa ibang mga Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila.
“Inimbita ko si Mayor at ang kanilang mga engineer para maipakita sa ibang LGU ang kanilang best practices. Natuto na ang Marikina mula sa kanilang mga karanasan,” ani Dizon.
Binanggit din niya ang plano para sa pagtatatag ng mga “no build zones” at retention basins na magsisilbing saluhan ng tubig at gagawing parke.
Tiniyak naman ni Mayor Maan Teodoro na mananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga taga-Marikina. Ayon sa kanya, ang pamantayan ng kanilang paghahanda ay palaging nakabase sa tindi ng Bagyong Ondoy.
“Magandang development ito… Gusto nila at gusto din natin na pagdating ng tag-ulan, hindi na problema sa mga taga-Marikina. Maging panatag na po tayo,” dagdag ng alkalde.
Inaasahang bibilis ang rehabilitasyon ng Marikina River at ang mga drainage works sa kahabaan ng Sumulong Highway matapos ang personal na inspeksyon ng DPWH chief.
