Pormal nang nagsampa ng kasong perjury si Bise Presidente Sara Duterte laban kay Ramil Madriaga, ang tumatayong testigo sa impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara.
Sa isang matapang na pahayag, binatikos ng Bise Presidente ang paggamit ng mga umano’y “gawa-gawang” testigo, na ayon sa kanya ay luma nang taktika na ginamit din laban sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, ang kasalukuyang sitwasyon ay katulad ng mga testimonya nina Arturo Lascañas at Edgar Matobato sa International Criminal Court (ICC) na aniya ay pakana ni dating Senador Antonio Trillanes.
“Kung noon pa lamang ay kinuwestiyon at kinasuhan ang mga kasinungalingang ito, hindi sana nagamit sa ICC ang mga ito laban sa Dating Pangulo,” diin ni Duterte.
Hindi rin pinalampas ng Bise Presidente ang kredibilidad ni Madriaga, na tinawag niyang isang akusado sa kidnapping na nagpanggap na supporter.
“Nakikita rin natin na tila inuulit na naman sa House of Representatives ang parehong taktika sa pamamagitan ng kanilang tinatawag na testigo na si Ramil Madriaga… [siya ay] biglang lumitaw bilang testigo kuno sa impeachment laban sa akin,” dagdag ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Duterte na ang pagsasampa ng kaso ay hakbang upang protektahan ang publiko mula sa maling impormasyon.
“Ngayong araw ay naghain ako ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga upang tuluyang mapanagot siya sa kanyang mga kasinungalingan. Hindi maaaring hayaang gamitin ang mga imbentong kwento upang linlangin ang publiko.”
Si Atty. Paolo Panelo ang magsisilbing legal spokesperson ng Bise Presidente para sa mga susunod na detalye ng kaso.
