INIULAT ng Pamahalaang Lungsod Valenzuela at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na aabot sa P6.6 bilyon ang halaga ng illegal na droga at mga kemikal na sangkap sa paggawa ng droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa nadiskubreng shabu laboratory sa Barangay Viente Reales, Valenzuela City.
Sa ulat, noong February 22, 2026, Linggo ng madaling araw nang madiskubre at mabuwag ng pinagsamang mga operatiba ng Valenzuela City Police Station sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Joseph Talento at PDEA ang isang clandestine drug laboratory sa nasabing Barangay.
Nagsagawa ang pinagsamang mga operatiba ng PDEA Cavite Provincial Office, at PDEA RO-NCR Northern District Office, kasama ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ng buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “John”, 30, (HVT), ng Cubao, Quezon City dakong alas-4:15 ng madaling araw.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 500 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P3.4 milyon, buy bust money at isang cellphone.
Kasunod nito, nadiskubre ng mga operatiba ng PDEA sa loob ng isang warehouse ang naturang shabu laboratory na dahilan ng pagkakasamsam sa humigi’t kumulang 906 kilograms ng umano’y shabu at 64.15 liters of liquid methamphetamine na tinatayang aabot sa P6.6 billion ang halaga.
Kasalukuyang nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang buong saklaw ng mga ilegal na aktibidad ng suspek, kabilang ang posibleng mga link sa mas malalaking network ng droga.
Patuloy rin ang follow up imbestigasyon upang matukoy at mahanap ang iba pang mga indibidwal na maaaring sangkot sa operasyon para matiyak na ang lahat ng mga responsableng partido ay mapanagot.
Samantala, muli namang pinagtibay ni Mayor WES Gatchalian ang pangako ng lungsod na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga at nanawagan sa publiko na manatiling mapagbantay at maagap sa pangangalaga sa kanilang mga komunidad.
Hinikayat rin niya ang mga mamamayan na agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad, na binibigyang-diin na ang pakikipagtulungan ng komunidad ay nananatiling mahalaga sa patuloy na paglaban sa ilegal na droga.
“Makakaasa po kayo na patuloy pa rin po tayo at hindi po rito nagtatapos ang ating trabaho. Ang joint task force po ng national/local at barangay, ipagpapatuloy pa rin po namin ang imbestigasyon ukol sa kaso,” pahayag ni Gatchailan.
Aniya, ang matagumpay na pagkakabuwag sa shabu laboratoryo ay isang makabuluhang hakbang para tuluyang maputol ang supply chain ng iligal na droga sa lungsod. (JUVY LUCERO)
