This photo taken on September 13, 2017 shows Philippine Senator Antonio gesturing during an interview at his office in the Senate building in Manila. After launching his political career from a jail cell, Philippine Senator Antonio Trillanes believes it could end in a grave thanks to a relentless campaign against his "hitman" president. / AFP PHOTO / NOEL CELIS (Photo credit should read NOEL CELIS/AFP/Getty Images)
Mariing itinanggi ni dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Martes ang mga lumalabas na ulat na tumanggap siya ng halagang $2 milyon mula kay dating mambabatas Elizaldy Co para diumano pondohan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang mga pahayag sa X at Facebook, binigyang-diin ni Trillanes na isang malaking kasinungalingan ang mga paratang na ito at wala siyang tinatanggap na anumang pera mula kay Co para sa anumang layunin.
Dahil sa mga kumakalat na alegasyon, inanunsyo ng dating senador na nakahanda siyang magsampa ng mga kasong cyber libel laban sa mga indibidwal na nagpakalat ng impormasyon online, kabilang na ang dating broadcaster na si Jay Sonza, dating mambabatas Mike Defensor, at ang abogadong si Levi Baligod.
Kasama ring sasampahan ng reklamo ang 18 dating miyembro ng Philippine Marine Corps na lumutang sa isang press conference sa San Juan City upang magbigay ng testimonya laban sa kanya.
Ayon sa grupo ng mga dating Marines na nagpakilalang mga dating security personnel ni Co, inutusan umano silang magpapalit ng $2 milyong dolyar na nakalaan para sa mga ICC investigators at inihatid daw ang nasabing halaga kay Trillanes.
Sinabi rin nila sa harap ng media na may mga transaksyon silang nasaksihan na nagkakahalaga ng bilyong piso na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno.
Sa kabila nito, nanindigan si Trillanes na ang mga akusasyong ito ay isang desperadong hakbang lamang upang sirain ang kredibilidad ng nagpapatuloy na proseso ng ICC.
Ayon sa kanya, hindi siya magpapa-distract sa mga ganitong “recycled” na isyu at tiniyak niya sa mga akusador na “hahabulin” niya ang mga ito sa korte upang panagutin sa kanilang mga pahayag.
