Tahasang minaliit ng Malacañang nitong Martes ang mga kumakalat na balita sa social media na diumano’y sinusubukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipag-ayos o makipag-reconcile kay Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang opisyal na pahayag, tinawag ni Palace Press Officer Claire Castro na purong “kuwentong beauty parlor” at walang basehan ang nasabing mga ulat na naglalayong maghasik lamang ng maling impormasyon sa publiko.
Binatikos din ni Castro si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na itinuturo niyang pinagmumulan ng mga maling balita na pinaniniwalaan naman daw agad ng Bise Presidente.
Ayon sa opisyal, tila mabilis maniwala si Duterte sa mga sabi-sabi ni Roque na madalas namang maging source ng “fake news.”
Binigyang-diin ni Castro na sa halip na mamulitika, dapat ay unahin ng mga kampong ito ang pagseserbisyo sa bayan dahil ang Pangulo ay kasalukuyang nakatutok sa pamamahala at hindi sa mga usaping politikal.
Dagdag pa rito, pinuna rin ng Palasyo ang naging tugon ni Duterte na hindi siya interesado sa anumang pakikipag-ayos, na ayon kay Castro ay nagpapakita ng “tunay na kulay” ng Bise Presidente bilang isang public servant.
Sinabi ni Castro na nakapagtataka ang ganitong asal dahil sa halip na tumulong ay naninira pa ang ikalawang pangulo. Sa huli, iginiit ng Malacañang na abala ang Pangulo sa paglilingkod sa mga Pilipino at hindi gaya ng iba na ngayon pa lang ay abala na sa pangangampanya at paggawa ng sariling mga kuwento para lamang manatiling tanyag sa balita.
