Isang madamdaming trahedya ang bumalot sa lungsod ng Calamba, Laguna matapos masawi ang isang 27-anyos na guro, habang sugatan naman ang kanyang fiance, sa isang aksidente sa kalsada nitong madaling-araw ng Sabado, Pebrero 21.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Crislyn Paro, residente ng Brgy. Palingon. Ayon sa ulat, ang biktima ay nakasakay sa motorsiklo na minamaneho ni Miguel August Ocampo, 26-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay nina Paro at Ocampo ang JP Rizal Street patungong Crossing sa Brgy. Uno bandang alas-4:31 ng madaling-araw nang makasalpukan nila ang isang puting Toyota Wigo. Ang nasabing sasakyan ay minamaneho ni Jebson Calderon, 32-anyos, na lumabas umano sa isang one-way na intersection.
Sa tindi ng banggaan, tumalsik ang dalawang sakay ng motorsiklo sa kalsada sa kabila ng pagsusuot ng mga helmet. Isinugod ang mga biktima sa Dr. JP Rizal Memorial Hospital bago inilipat si Paro sa Pamana Hospital, ngunit idineklara siyang pumanaw bandang alas-6:45 ng umaga sanhi ng traumatic brain injury.
Ayon sa pamilya ng biktima, nakatakda sanang ikasal sina Paro at Ocampo sa darating na Abril 21 at nakahanda na ang lahat para sa kanilang pag-iisang dibdib.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng kotse at nahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, at damage to property.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Liceo de Calamba, ang paaralang pinagtuturuan ni Paro, kung saan inilarawan siya bilang isang dedikadong Grade 5 teacher.
