Kinumpirma ng pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo, ika-22 ng Pebrero, na hindi muna papayagan ang anumang personal na pagbisita sa kanya habang isinasagawa ang confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).
Sa kabila nito, tiniyak ng pamilya na mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa pamamagitan ng telepono para sa nakadetalyeng dating lider sa buong panahon ng pagdinig.
Nakatakda ang mahalagang serye ng pagdinig mula bukas, Pebrero 23 hanggang 27, kung saan tutukuyin ng hukuman kung sapat ang ebidensya para ituloy ang kaso sa aktwal na paglilitis.
Bagaman inaprubahan ng Pre-Trial Chamber ang hiling ni Duterte na huwag nang dumalo nang personal (waived appearance), pangungunahan naman ng isang delegasyon ng mga Pilipinong abogado ang kanyang representasyon sa The Hague.
Kabilang sa mga abogadong nakatakdang dumalo ay sina Salvador Medialdea (dating Executive Secretary), Salvador Panelo (dating Presidential Legal Counsel), Silvestre Bello III, Martin Delgra III, Alfredo Lim Jr at Caesar Dulay.
Kapansin-pansin na hindi kasama sa listahan ang dating tagapagsalita na si Harry Roque, sa kabila ng pagiging akreditado nito sa ICC at hayagang pagsuporta sa dating pangulo.
Ayon sa ulat, si Nicholas Kaufman ang mananatiling lead defense counsel para sa panig ni Duterte.
Ang pagdinig na ito ay kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte bunsod ng madugong kampanya kontra-droga at operasyon ng Davao Death Squad. Mag-iisang taon na sa susunod na buwan mula nang arestuhin ang dating pangulo noong Marso 11, 2025.
