Sa kabila ng pagpili kay Justin Brownlee bilang kanilang import—na inaasahang magiging pinakamaliit na reinforcement sa darating na PBA Commissioner’s Cup—tiwala ang Barangay Ginebra na hindi sila magkukulang sa laki.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Coach Tim Cone ang nalalapit na pagbabalik sa hardcourt ng 6-foot-7 big man na si Isaac Go.
Matapos ang mahigit isang taong pagkaka-sideline dahil sa tinamong ACL injury, handa na ang 29-anyos na si Go na mag-debut para sa Gin Kings.
Si Go ay nakuha ng Ginebra mula sa Terrafirma noong nakaraang taon kasama si Stephen Holt kapalit nina Stanley Pringle at Christian Standhardinger, ngunit hindi agad nakalaro nang magkaroon muli ng problema sa tuhod.
Ayon kay Coach Tim Cone, ang presensya ni Go ay lilikha ng isang “three-headed monster” sa ilalim kasama ang mga veteran big men na sina Japeth Aguilar at Troy Rosario para tapatan ang mga higanteng import ng ibang koponan.
Sa kasalukuyan, sumasama na si Go sa mga drills at practices ng koponan ngunit hinihintay na lamang ang huling medical clearance sa loob ng linggong ito bago siya payagang sumali sa mga full-contact scrimmages.
Habang nasa Gilas Pilipinas duty si Coach Tim Cone, pansamantalang pinamamahalaan nina Assistant Coaches Olsen Racela at Johnny Abarrientos ang ensayo ng Kings upang masigurong nasa kondisyon si Go sa pagsisimula ng conference sa Marso. (RON TOLENTINO)
