Nagsasagawa na ng operasyon ang pamahalaang bayan ng Rodriguez, Rizal at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos gumuho ang isang bahagi ng Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Barangay San Isidro noong nakaraang Biyernes.
Kinumpirma ni Mayor Ronnie Evangelista na batay sa inisyal na imbestigasyon ng MDRRMO at MENRO, mayroong tatlong indibidwal na opisyal na naiulat na nawawala sa insidente.
Gayunpaman, iginigiit ng urban poor group na Kadamay na aabot sa 50 katao ang pinangangambahang nawawala base sa mga pahayag ng mga residente sa lugar.
Ayon kay Kadamay Secretary-General Mimi Doringo, naganap ang pagguho dakong alas-2 ng hapon noong Biyernes sa Sitio 1B Harangan na nakaapekto sa halos 100 residente.
Sa kabilang banda, tiniyak ni Mayor Evangelista na patuloy ang pakikipagtulungan ng munisipyo sa private operator ng landfill na ISWIMS upang matukoy ang kinaroroonan ng mga nawawala.
Nanawagan din ang alkalde sa DENR na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat dahil itinuturing niyang usapin ito ng pambansang interes.
Bilang tugon, nagpadala na ang DENR-Environmental Management Bureau (EMB) CALABARZON ng mga tauhan sa site upang suriin ang lawak ng erosion at beripikahin ang mga ulat ng mga nawawalang tao.
Nag-utos na rin ang kawanihan ng agarang stabilization operations sa landfill upang matiyak ang kaligtasan sa lugar habang patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon.
Ang pasilidad ay pinapatakbo ng International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (ISWIMS) at kilala rin bilang Green Leap Solid Waste Management, Inc.
