Opisyal nang binuksan ng Department of Science and Technology (DOST) ang 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Ilocos Region noong Pebrero 16 sa CSI Stadia.
Sa ilalim ng temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan,” binigyang-diin sa pagtitipon ang pagbuo ng mga “smart and sustainable communities” sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno, akademya, at pribadong sektor.
Isang mahalagang bahagi ng programa ang paglulunsad ng kauna-unahang DOST Niche Centers in the Regions (NICER) Salt Research and Development Center sa Pangasinan. Layunin ng proyektong ito na palakasin ang lokal na industriya ng asin at paunlarin ang kapasidad sa pananaliksik ng lalawigan.
Ayon kay DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., ang pangalan ng Pangasinan na hango sa salitang “asin” ay simbolo na ang agham at inobasyon ay nakaugat sa lokal na kabuhayan. Hinikayat niya ang mga lokal na pamahalaan at mga mananaliksik na gawing praktikal na solusyon ang agham para sa inklusibong paglago ng rehiyon.
Bilang suporta sa sektor ng edukasyon at teknolohiya, inanunsyo rin ang nalalapit na pagbubukas ng PPC–DOST iHub, na magsisilbing training ground at incubator para sa mga susunod na lider sa teknolohiya sa rehiyon.
Mainit na tinanggap ni Mayor Belen T. Fernandez ang delegasyon at ipinahayag ang komitment ng Dagupan City sa “innovation-driven governance.” Ayon sa alkalde, ang pagiging smart city ay hindi lamang tungkol sa digital systems, kundi kung paano ginagamit ang kaalaman upang makalikha ng trabaho, mapangalagaan ang kapaligiran, at mapabuti ang serbisyo publiko.
Ibinahagi rin ni Mayor Fernandez ang mga hakbang ng lungsod gaya ng pagtatayo ng mga science-focused schools para sa mga kabataan at paggamit ng mga Disaster Risk Reduction (DRRM) technologies mula sa DOST, gayundin ang implementasyon ng science-based waste management programs.
Sa nasabing event, iginawad din ang titulong STI Ambassadors sa mga kinatawan mula sa akademya, gobyerno, at industriya. Namahagi rin ng mga STARBOOKS units (digital science library), at inilunsad ang mga platapormang gaya ng Water Compendium, TOURLISTA, at ang SOLIDO Knowledge Hub.
Nagkaroon din ng paglagda sa Memorandum of Understanding para sa institutionalization ng MAGHANDA for KIDS, isang programa para sa kahandaan sa sakuna.
Ang 2026 RSTW ay tatakbo hanggang Pebrero 18, kung saan tampok ang mga technology exhibits at forums na nakatuon sa pagpapalakas ng agrikultura, industriya, turismo, at disaster resilience sa buong Ilocos Region.
