Personal na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang beauty queen at aktres na si Michelle Dee noong Lunes, Pebrero 16, upang pormal na magsampa ng reklamong cyber libel laban sa social media personality na si Xian Gaza.
Bagama’t hindi idetalye ng Miss Universe Philippines 2023 ang mga partikular na post na naging basehan ng reklamo, binigyang-diin niya sa harap ng media na ang kanyang hakbang ay pagtindig laban sa mga online attacks na target ang kababaihan.
“The point here is hindi dapat i-normalize ang pagsasalita nang gano’n towards sa mga babae. I think we should respect women’s rights in privacy,” pahayag ni Dee.
Pinaniniwalaang ang reklamo ay nag-ugat sa mga serye ng “blind items” at social media posts ni Gaza matapos pumutok ang isyu sa pagitan nina Dee at ng dating driver ng aktres na si Rhian Ramos.
Matatandaang inakusahan ng nasabing driver sina Dee, Ramos, at Samantha Panlilio ng torture at serious illegal detention dahil umano sa isang “angpao” na naglalaman ng mga sensitibong larawan.
Mariin nang itinanggi ni Dee ang mga paratang na ito at una nang nagsampa ng reklamong qualified theft laban sa driver.
Agad namang rumesponde si Xian Gaza sa pamamagitan ng kanyang social media accounts. Tinawag niya ang aksyon ni Dee na isang “calculated move” at bahagi umano ng “damage control” para mailihis ang atensyon ng publiko mula sa isyu ng driver.
Ayon kay Gaza, ang pagsampa ng kaso sa kanya ay paraan para magmukhang biktima ang aktres at mapagtakpan ang pinsalang idinulot ng mga akusasyon ng driver sa kanyang pangalan.
Gayunpaman, sinabi ni Gaza na nauunawaan niya ang sitwasyon ni Dee at nagtapos pa ng mensaheng, “May God bless her.”
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang susunod na hakbang ng NBI hinggil sa inihaing reklamo, habang patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
