Humaharap sa matinding batikos sa internet ang dating StarStruck finalist na si Alvin Aragon matapos ang kanyang mga kontrobersyal na pahayag hinggil sa kasarian ng kanyang stepdaughter na si Sofia Trazona.
Sa panayam sa programang Jigo Live sa DWAR 1494 Abante Radyo noong Pebrero 13, hayagang ipinahayag ni Aragon ang kanyang hindi pagtanggap sa trans identity ni Sofia, na aniya ay base sa kanyang pananampalataya.
Sa gitna ng panayam, binanggit ni Aragon ang mga sipi mula sa Bibliya upang bigyang-tuwid ang kanyang posisyon laban sa homosexuality.
“Totoo naman, e. Ano bang sabi sa Bible? God judged homosexuality. Read Genesis 17:18 and 19 — ‘those men in Sodom and Gomorrah want to have sex with other men, and God judged Sodom and Gomorrah,’” ani Aragon.
Dagdag pa niya, ang kanyang mga babala ay nagmumula sa layuning “iligtas” si Sofia mula sa kapahamakan sa kabilang buhay.
Ayon sa aktor, tungkulin ng isang magulang na ituwid ang anak kung naniniwala silang ito ay nagkakasala.
Bukod sa isyu ng kasarian, sinagot din ni Aragon ang mga espekulasyon na siya ang dahilan kung bakit umalis ang asawang si Izzy Trazona sa grupong SexBomb Girls taong 2009.
Nilinaw niya na hindi pa sila magkakilala noon at ang desisyon ni Izzy ay bunsod ng pagiging Kristiyano nito.
“Sino ang nagpa-resign kay Izzy sa SexBomb? Ang Panginoon, noong naging Christian si Izzy. Pinag-resign ng Lord,” paliwanag ni Aragon.
Hindi pinalampas ng mga netizens, partikular na ng LGBTQIA+ community at kanilang mga allies, ang mga pahayag ng aktor.
Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya at tinawag na “judgmental” at “harmful” ang mga salita ni Aragon. Binigyang-diin ng ilang netizens na ang tunay na pagmamahal ng magulang ay dapat walang kondisyon.
Sa kabila nito, nagpakita naman ng suporta ang biological father ni Sofia na si Michael Navarro. Sa mga nakaraang post ni Sofia, pinasalamatan niya ang kanyang ama sa pagtanggap sa kanyang transition at pagsuporta sa kanyang karera bilang drag artist.
Bagama’t may tensyon sa pagitan nina Alvin at Sofia, kamakailan ay nagbahagi si Izzy Trazona ng screenshot ng kanilang pag-uusap ni Sofia kung saan makikitang nananatili ang kanilang komunikasyon at pagmamahalan bilang mag-ina sa kabila ng magkaibang pananaw sa pananampalataya.
