Hinimok ng mga human rights groups ang International Criminal Court (ICC) na agad magpalabas ng warrants of arrest laban sa mga itinuturing na “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng imbestigasyon sa madugong war on drugs.
Ang panawagan ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ay kasunod ng paglalabas ng ICC Office of the Prosecutor ng isang dokumento na nagpangalan sa mga umano’y kasabwat ni Duterte sa crimes against humanity.
Sa nasabing dokumento, kabilang sa mga tinukoy na “accomplices” sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na dating PNP chief, at Senador Christopher “Bong” Go, ang matagal nang aide at dating Special Assistant to the President.
Kasama rin sa listahan sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at mga dating opisyal na sina Vicente Danao, Oscar Albayalde, Dante Gierran, Isidro Lapeña, at ang yumaong si Camilo Cascolan.
“ICHRP calls for the ICC to urgently issue arrest warrants for Dela Rosa, Go and the others named so that they can also face trial, along with their boss Duterte,” pahayag ni ICHRP spokesperson Peter Murphy. Ayon kay Murphy, nananatiling “flight risk” at banta sa pananakot ng mga saksi ang mga nabanggit habang nananatiling malaya.
Mariing itinatwa nina Go at Aguirre ang anumang pagkakasangkot sa mga nasabing krimen. Si Dela Rosa naman ay kapansin-pansing hindi lumalabas sa Senado simula noong Nobyembre matapos ang bali-balitang may warrant na laban sa kanya, bagaman sinabi ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na kopya nito.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson Sr., anomang warrant mula sa dayuhang entidad ay dapat dumaan sa lokal na korte ng Pilipinas bago maipatupad. “Kasi dapat igalang natin ang local courts,” ani Lacson. Nakatakdang magpatawag ng caucus si Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang talakayin ang magiging hakbang ng kapulungan.
Malugod namang tinanggap ng grupong Rise Up for Life and for Rights, ang network ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK), ang hakbang ng ICC.
“Matagal na naming kilala ang kanilang mga pangalan at mukha bilang mga galamay ni Duterte… Ang pangalanan sila ng ICC ay parang isang marahang tapik sa aming balikat habang kami ay nagluluksa,” ani Jane Lee, asawa ng biktimang si Michael Lee.
Nakatakda ang confirmation of charges hearing para kay Rodrigo Duterte sa Pebrero 23, kung saan tutukuyin kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang kaso sa isang full trial.
Ayon sa rekord, tinatayang nasa mahigit 6,000 ang opisyal na bilang ng napatay sa war on drugs, ngunit ayon sa ilang human rights groups, maaaring umabot ito sa 20,000 hanggang 30,000 katao.
