Hayagang nagpahayag ng suporta ang bokalista ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda sa isinusulong na “Anti-Political Dynasty Law” ni Senador Kiko Pangilinan.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Miranda ang panawagan ng senador kasama ang isang prangkang mensahe: “Sana walang kumontra. Kung sino kumontra, alam na.”
Ang suportang ito ay kasunod ng masiglang pagtutulak ni Pangilinan sa Senate Bill No. 285, na naglalayong buwagin ang mga naglalakihang pamilya sa politika upang tugunan ang problema ng korapsyon at kahirapan sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms nitong Pebrero 4, binigyang-diin ng senador na ang pagwakas sa mga dinastiya ay susi sa paglutas ng mga dekada nang suliranin ng bansa.
Ayon kay Pangilinan, may mga pananaliksik na nagpapakita ng mataas na antas ng kahirapan sa mga komunidad na pinamumunuan ng mga tinaguriang “fat dynasties” o mga pamilyang sabay-sabay na humahawak ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno.
“So we can say — kung walang dynasty, walang mahirap. Pwedeng sabihin: Kung walang dynasty, walang korap,” anang senador sa kanyang pakikipag-usap sa mga eksperto mula sa Ateneo de Manila University.
Binanggit din ng senador ang resulta ng Pulse Asia survey noong nakaraang Disyembre, kung saan higit sa kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang makatutulong ang anti-dynasty law upang masugpo ang sistemikong korapsyon.
Giit ni Pangilinan, ito na ang “perfect timing” para ipasa ang batas, lalo na sa gitna ng mga kontrobersya sa bilyon-bilyong pisong flood control scandal.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 285, ipagbabawal sa mga magkakamag-anak hanggang sa second degree of consanguinity o affinity ang tumakbo o humawak ng posisyon sa gobyerno nang magkasabay o magkasunod.
Layunin nito na sundin ang mandato ng 1987 Konstitusyon na buksan ang serbisyo publiko sa “bagong dugo” at tiyakin ang pantay na pagkakataon para sa lahat ng nagnanais maglingkod.
