Bilang bahagi ng pagdiriwang ng nalalapit na Valentine’s Day, idinaos ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang kanilang taunang “Furst Date” ngayong Huwebes, Pebrero 12, 2026.
Ang nasabing Valentine’s Fundraiser ay naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga rescued animals na makaramdam ng espesyal na pagmamahal at atensyon habang kumakalap ng pondo para sa kanilang mga pangangailangan sa shelter.
Sa ilalim ng temang “Fur-in-Love Month,” nagbukas ang organisasyon ng pagkakataon para sa mga pet lovers na makipag-bonding, makipaglaro, at magpakita ng pagkalinga sa mga aso at pusang nailigtas mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso o pagpapabaya.
Bukod sa pagpapakita ng affection na nararapat para sa mga hayop, layunin din ng programa na itaguyod ang adbokasiya ng pag-aampon o “Adopt, Don’t Shop” upang makahanap ang mga ito ng kanilang “forever home.”
Naging puno ng saya ang aktibidad kung saan ang mga proceeds mula sa event ay direktang mapupunta sa pondo para sa pagkain, gamot, at operasyon ng mga hayop na nasa pangangalaga ng PAWS.
Sa pamamagitan ng “Furst Date,” muling ipinaalala ng organisasyon na ang pag-ibig sa araw ng mga puso ay hindi lamang para sa mga tao, kundi pati na rin para sa mga hayop na naghihintay ng kalinga at tunay na pamilya.
