Binigyang-diin ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda na hindi dapat ikatakot ng mga manggagawang Pilipino ang pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI) at robotics. Sa halip, nakikita niya ito bilang susi sa pag-angat ng kalidad ng trabaho at sahod sa Pilipinas.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, binalikan ni Aguda ang kasaysayan ng industriya ng BPO kung saan noong una ay inakala ng marami na mawawalan ng trabaho ang mga call center agents dahil sa automation ngunit ang nangyari ay kabaligtaran dahil lumago pa ang workforce mula sa isang milyon patungong dalawang milyon nang magsimulang mag-evolve ang mga gawain sa backroom operations gaya ng research, legal work at accounting.
Ayon sa Kalihim, lumago pa ng 4% ang workforce at 5% ang revenue ng BPO sector noong nakaraang taon sa kabila ng paggamit ng AI.
“Ang BPO industry baka tawagin na nating AI+ industry na… ang intensyon dito is to create more high-value jobs na high-paying din,” ani Aguda.
Ibinahagi rin ni Aguda na may mga investor mula sa Hong Kong ang nakatakdang bumisita sa Clark ngayong Marso.
Layon nilang tignan ang pasilidad para sa posibleng robot assembly at training facility.
Dahil kailangang “i-train” ang mga robot, ang Pilipinas ang nakikitang strategic na lokasyon dahil sa galing ng mga Pilipino sa tech at communication. Isinusulong din ng DICT na gawing isang “AI+ City” o self-sustained tech city ang Clark na may sapat na imprastraktura at renewable energy.
Bukod sa ekonomiya, binigyang-diin ni Aguda ang gamit ng robotics sa pagliligtas ng buhay. Ipinakilala ang mga “rescue robo-dogs” na balak i-deploy sa mga disaster-prone areas.
Ang mga robot na ito ang ipadadala sa mga lugar na may landslide, baha, o bumagsak na kable ng kuryente upang hindi na malagay sa panganib ang buhay ng mga human rescuers.
Sa usapin naman ng social media, nanindigan si Aguda na kailangang linisin ang internet mula sa fake news at toxic content. Ayon sa kanya, ang fake news ang nagsisilbing “pinto” para sa mas malalang krimen gaya ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC), illegal gambling, at radicalization.
Suportado rin ng DICT ang panukalang age-based filtering o limitasyon sa access ng mga menor de edad sa social media.
Batay sa pag-aaral ng DICT, 7 sa bawat 10 Pilipino ang pabor na higpitan ang access ng mga bata sa internet.
Nakikipagtulungan na ang kagawaran sa mga regional heads ng malalaking social media platforms upang siguruhing sumusunod sila sa mga batas ng Pilipinas. “Ang teknolohiya ay dapat mag-translate sa ikabubuti ng bansa. Tech for good, ika nga ni Pangulo,” pagtatapos ni Aguda. (Mina Paderna)
