Nahaharap sa mabigat na kasong administratibo ang sampung miyembro ng Angono Municipal Police Station matapos mabuking ang umano’y pekeng buy-bust operation at pangingikil sa isang sibilyan.
Ang reklamo ay pormal na isinampa ni Nestor Makabenta, Jr. sa tulong ng tanggapan ni Senator Erwin Tulfo.
Batay sa salaysay ng biktima, pinalabas ng mga pulis na siya ay naaresto sa isang buy-bust operation bandang alas-10 ng gabi noong Nobyembre 10, 2025.
Gayunpaman, base sa ebidensyang CCTV, alas-5 pa lamang ng hapon ay hinarang na si Makabenta habang nakamotor.
Dito na umano nagsimula ang pangingikil kung saan hiningan ang biktima ng P50,000 bilang “areglo”. Bagama’t nakapagpadala ng pera ang pamilya sa pamamagitan ng GCash, itinuloy pa rin ng mga pulis ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Nauna nang ibinasura ng piskalya ang kasong kriminal laban kay Makabenta matapos makita ang malaking pagkakaiba sa kuwento ng mga pulis kumpara sa testimonya ng mga barangay tanod at ebidensya mula sa CCTV.
Kinilala ang mga tauhang sumasailalim sa imbestigasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na sina PCPT Francis Caparas, PCMS Randell Evardone, PMSg Jeffrey Godalle, PMSg Michael Maandal, PSSg Rommel Bilog, PSSg Daril Piamonte, PSSg Rowel Sabangan, PSSg Alejandro Probadora, PSSg Brian Moises, at PCpl Andres Buelo, Jr.
Bilang bahagi ng agarang administratibong hakbang, kinumpirma ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) at PRO CALABARZON na ang mga nasabing tauhan ay sumasailalim na sa administrative relief at restrictive custody sa Personnel Holding and Accounting Section (PHAS).
Kinumpiska rin ang kanilang mga service firearms upang matiyak ang isang patas na imbestigasyon.
Mariing kinondena ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan ang insidente at tiniyak na walang magaganap na “whitewash” sa kaso.
Ayon kay Calinisan, ang paggamit ng kapangyarihan para manakot at mangikil ay isang malinaw na abuso na hindi pahihintulutan sa serbisyo. Kasalukuyan nang hawak ng Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) ang masusing pagsisiyasat sa naturang mga pulis. (Arnold Pajaron Jr)
