Mga ka-Sampaguita, hindi maikakaila na ang Pilipinas ay kasalukuyang nakasadlak sa isang malalim at lumalalang krisis sa paggawa na pilit ikinukubli ng mga mabulaklak na pahayag ng pamahalaan.
Ayon sa pinakahuling pagsusuri ng IBON Foundation, ang nararanasan nating “deepening jobs crisis” ay hindi lamang isang simpleng pagbagal ng momentum gaya ng pinalalabas ng administrasyong Marcos Jr., kundi bunga ng isang mahina at mapanuring ekonomiya na pabor lamang sa iilan.
Nakababahala ang datos noong Disyembre 2025 kung saan sa halip na dumami ang trabaho dahil sa kapaskuhan, ay bumagsak pa ang bilang ng mga employed ng mahigit pitong daang libo. Anong sey n’yo, mga ka-Sampaguita?
Ang pag-akyat ng unemployment rate sa 4.4 porsyento ay isang malinaw na indikasyon na may malaking lamat sa ating sistema. Ngunit ang mas masakit na katotohanan ay ang panlilinlang sa mga opisyal na numero. Tsk!
Sa kasalukuyan, itinuturing na may trabaho ang milyun-milyong Pilipinong nagtatrabaho nang walang sweldo sa kani-kanilang pamilya, habang ang mga nawalan na ng pag-asang maghanap ng mapapasukan ay hindi na ibinibilang sa labor force.
Kung susumahin ang tunay na kalagayan, ang bilang ng mga walang disente at sapat na trabaho ay tinatayang aabot sa mahigit pitong milyon—isang numerong sapat na upang gisingin ang gobyerno mula sa kanilang pagkakaidlip.
Hindi rin sapat na basehan ang pagkakaroon lamang ng trabaho dahil ang kalidad nito ay nananatiling mababa at walang seguridad. Pito sa bawat sampung Pilipinong employed ay nasa sektor ng informal economy kung saan talamak ang kontraktwalisasyon, kawalan ng benepisyo, at kakarampot na sahod.
Ang konsentrasyon ng trabaho sa agrikultura at serbisyo, na may daily basic pay na hindi man lang lumalagpas sa apat na raang piso, ay patunay na ang ating ekonomiya ay hindi nakalilikha ng mga trabahong makapagliligtas sa mga pamilya mula sa kahirapan.
Ang pabago-bagong galaw ng labor market, lalo na sa agrikultura, ay nagpapakita lamang ng kawalan ng katatagan na hindi na maaaring isisi sa mga lockdown o panahon lamang.
Mga ka-Sampaguita, ang ugat ng problemang ito ay ang patuloy na paghina ng ating sariling produksyon. Ang pagbagsak ng manufacturing at agriculture shares sa ating GDP sa kanilang pinakamababang antas sa kasaysayan ay hudyat ng de-industriyalisasyon.
Sa kabila nito, nananatiling nakakapit ang administrasyon sa mga bigong polisiya tulad ng labis na pagdepende sa dayuhang puhunan at mga proyektong pang-imprastraktura na hindi naman tumatagos sa sikmura ng masa.
Panahon na upang talikuran ang mga pansamantalang solusyon at harapin ang hamon ng pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.
Hindi malulutas ang krisis sa trabaho ng mga mababaw na upskilling program o PR stunt. Ang kailangan natin ay isang matapang na pamumunong uunahin ang kapakanan ng manggagawang Pilipino kaysa sa interes ng malalaking negosyante at dayuhang korporasyon. Tama po ba?
Mga ka-Sampaguita, hangga’t hindi binabago ang pundasyon ng ating ekonomiya, ang bawat ulat ng pag-unlad ay mananatiling isang maskara lamang sa naghihingalong kalagayan ng masang manggagawa.
At ‘yan ang masakit na katotohanan. Boom!
