Pormal nang kinumpirma ni Team Manager Paolo Bugia nitong Sabado ang pagpasok ng dating NCAA MVP na si Will Gozum sa koponan ng Phoenix Fuel Masters.
Si Gozum ay may makulay na karera sa kolehiyo kung saan naging MVP siya sa juniors division para sa Mapua at nasungkit din ang parehong parangal sa seniors division habang naglalaro para sa De La Salle-College of Saint Benilde (CSB).
Bukod kay Gozum, inanunsyo rin ni Bugia ang muling pagbabalik ni JC Cullar sa Fuel Masters. Ang 27-anyos na point guard ay naging kakampi ni Gozum sa Blazers sa ilalim ni Coach Charles Tiu noong Season 98, kung saan umabot sila sa finals bago yumukod sa Letran.
Matatandaang naglaro na si Cullar para sa Phoenix noong PBA Season 49 Philippine Cup. Gayunpaman, pansamantala siyang umalis sa bansa at nagtungo sa Italy matapos ang pagpanaw ng kanyang ama.
Inaasahang magbibigay ng dagdag na pwersa at lalim sa line-up ng Phoenix ang pagdating nina Gozum at Cullar para sa susunod na kumperensya ng liga. (Ron Tolentino)
