Natapos ang makasaysayang pagtatambal nina Alex Eala at Janice Tjen sa WTA500 Mubadala Abu Dhabi Open matapos silang kapusin sa semifinal round laban sa mga beteranong fourth seeds noong Biyernes ng gabi.
Yumukod ang Southeast Asian pair sa tambalan nina Tereza Mihalikova ng Slovakia (WTA doubles no. 28) at Olivia Nicholls ng Great Britain (WTA no. 26) sa iskor na 4–6, 2–6.
Sa kabila ng pagkatalo sa loob ng isang oras at 16 na minuto, baon ng dalawa ang paghanga ng mga fans matapos patunayan na kaya nilang magsanib-pwersa para sa rehiyon.
Ang pagtatambal nina Eala at Tjen ang unang pagkakataon sa kanilang career, na binansagan ng mga fans na “SEAsters” o “SEAblings.”
Matagal nang itinuturing na magkaribal ang dalawa dahil sila ang dalawang pinakamataas na ranked players sa Timog-Silangang Asya—si Eala na world no. 45 at si Tjen na world no. 47—at madalas magharap sa SEA Games.
Sa unang set, nagpakitang-gilas ang SEA pair kung saan nakipagpalitan sila ng puntos hanggang sa umabot sa 4–3 ang iskor pabor sa kanila. Gayunpaman, nanaig ang karanasan nina Mihalikova at Nicholls nang kumuha ang mga ito ng tatlong sunod-sunod na game upang makuha ang unang set.
Pagpasok ng ikalawang set, agad na rumagasa ang fourth seeds para sa isang 3–0 lead. Bagama’t sinubukan nina Eala at Tjen na humabol at nakakuha pa ng board, hindi na nila natapyas ang kalamangan ng mga kalaban hanggang sa tuluyang matapos ang laban sa 6–2.
Sa kabila ng pagkatalo, itinuturing na malaking tagumpay ang kanilang run dahil sa pagpapakita ng potensyal ng mga atletang Southeast Asian sa world stage. Sunod na masisilayan ang galing ni Alex Eala sa WTA1000 Qatar Open na gaganapin simula bukas, Pebrero 8 hanggang 14, 2026. (Ron Tolentino)
