File Photo
Personal na sumipot nitong Lunes si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Department of Justice (DOJ) upang harapin ang mga akusasyon ng korapsyon na may kaugnayan sa flood control scandal sa bansa.
Kasama ni Bonoan na dumalo sa unang araw ng preliminary investigation si dating DPWH District Engineer Henry Alcantara. Ang dalawa ay pinangalanang co-respondents sa mga reklamong plunder na nag-ugat sa umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control.
Nabatid na si Alcantara ay kapwa akusado sa plunder cases laban kina dating Senador Ramon Revilla Jr. at Senador Jinggoy Estrada, habang si Bonoan naman ay co-respondent sa kasong isinampa laban kay Estrada.
Ayon kay Bonoan, kakauwi lang niya mula sa Estados Unidos kung saan sinamahan niya ang kanyang asawa para sa isang medikal na pamamaraan. Binigyang-diin niya ang kanyang intensyong harapin ang mga seryosong paratang. Gayunpaman, binanggit niya na posibleng lumabas siyang muli ng bansa upang asikasuhin ang operasyon ng kanyang asawa, depende sa magiging schedule nito.
“Pag-aaralan muna namin ang mga akusasyon,” ani Bonoan, habang kinikilala ang bigat ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Binigyan ng DOJ si Bonoan hanggang Pebrero 12 upang isumite ang kanyang counter-affidavit bilang pormal na tugon sa mga alegasyon.
Ang imbestigasyong ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat ng gobyerno sa mga bilyon-bilyong pondo na inilaan para sa flood control projects na kinuwestiyon dahil sa kawalan ng naramdamang epekto sa tuwing may kalamidad sa bansa.
