Nakataas ang babala ng PAGASA ngayong Martes dahil sa isang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na inaasahang magiging ganap na bagyo sa loob ng susunod na 24 oras.
Base sa ulat ng weather bureau bandang alas-2 ng madaling araw, ang sentro ng LPA ay namataan sa layong 1,370 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao. Inaasahang papasok ang nasabing sama ng panahon sa loob ng PAR ngayong araw, at kapag ito ay pormal nang naging bagyo, bibigyan ito ng lokal na pangalang “Basyang.”
Ayon sa PAGASA, posibleng magdala ng ulan ang sistemang ito sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao sa mga susunod na araw.
Samantala, kasalukuyan namang nararanasan ang epekto ng shear line na nagdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Visayas, Caraga Region, Davao Region at Misamis Oriental.
Nagbabala ang ahensya na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o landslides.
Sa kabilang dako, patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan na magdadala ng mahihinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands, gayundin ang pulo-pulong mahinang ulan sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Para sa natitirang bahagi ng Mindanao, asahan ang bahagyang pag-ulan dahil sa localized thunderstorms. Pinapaalalahanan ang publiko, lalo na ang mga nasa disaster-prone areas, na manatiling nakatutok sa mga susunod na weather bulletin para sa kaligtasan ng lahat.
