Patuloy ang mainit na ratsada ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala matapos niyang siguruhin ang upuan sa second round ng singles at maghanda para sa kanyang doubles campaign sa prestihiyosong Abu Dhabi Open.
Sariwa pa mula sa kanyang career-best na world No. 45 ranking, hindi nagpaawat ang 20-anyos na si Eala sa WTA 500 event nang talunin niya si Zeynep Sonmez sa iskor na 6-4, 6-3, nitong Martes ng umaga (oras sa Maynila). Dahil sa panalong ito, opisyal nang umabante si Eala sa Round of 16.
Susunod na makakalaban ng pambato ng Pilipinas ang Belarusian na si Aliaksandra Sasnovich (WTA No. 109). Si Sasnovich ay galing sa isang malaking upset win laban sa dating world No. 2 na si Paula Badosa. Nakatakda ang kanilang tapatan sa darating na Miyerkules.
Bukod sa singles, sasabak din si Eala sa “double duty” ngayong gabi. Makakapareha niya ang karibal sa Southeast Asia na si Janice Tjenn mula sa Indonesia para sa kanilang doubles opener.
Haharapin ng tambalang Eala at Tjenn ang matinding hamon mula sa duo nina Leylah Fernandez ng Canada at Kristina Mladenovic ng France. Inaasahang magsisimula ang laban hindi aaga sa 10:10 p.m. oras sa Maynila.
Ito ang unang pagkakataon na magsasama sina Eala at Tjenn bilang magkakampi sa doubles court, matapos ang kanilang huling pagkikita sa singles quarterfinals sa Sao Paulo kung saan nanaig ang Indonesian.
Abangan ang susunod na hakbang ni Eala sa kanyang hangarin na makasungkit ng titulo sa United Arab Emirates at lalo pang mapataas ang kanyang antas sa world tennis rankings. (Ron Tolentino)
