Sunod-sunod na nalambat ng tracker team ng Cainta Municipal Police Station (MPS) ang tatlong indibidwal na may mga nakabinbing warrant of arrest sa magkakahiwalay na operasyon sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal nitong Martes, ika-27 ng Enero.
Unang naaresto bandang alas-5:30 ng hapon sa Gruar Subdivision ang suspek na kinilala sa alias “JL”. Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Slight Physical Injuries na inisyu ni Hon. Maria Ella Cecilia Dimaandal Dumlao-Escalante ng RTC Branch 143. May inirekomendang piyansa na P 3,000.00 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Makalipas ang ilang minuto, dalawang lalaki naman na kapwa nahaharap sa kasong Robbery ang nalambat ng mga awtoridad sa loob ng Village East na sina alyas ‘Junior,’ nadakip bandang alas-5:50 ng hapon sa Cobra St., Creekside at alyas ‘Meloy’ na nalambat bandang alas-6:10 ng gabi sa Bronco St.
Ang dalawa ay dinakip batay sa warrant na inisyu noong Enero 23, 2026, ng parehong hukuman (RTC Branch 143) na may nakatakda na piyansa para sa bawat isa sa halagang P72,000.00.
Ayon sa Cainta MPS, ginamit ang mga alternative recording devices gaya ng mini camera at mobile phone sa buong proseso ng pag-aresto upang matiyak ang katarungan at transparency.
Binasahan din ang mga suspek ng kanilang mga karapatang konstitusyonal bago dinala sa Cainta MPS Custodial Facility.
Ibabalik ang mga warrant sa korteng pinagmulan nito para sa pag-iisyu ng commitment order laban sa mga akusado.
