Photo Credit: Watchmen Daily Journal
Hindi lamang titulo ang habol ni Alex Eala sa nagpapatuloy na Philippine Women’s Open. Para sa Pinay tennis star, layunin niyang magsilbing mitsa ang kaniyang laban upang paigtingin ang suporta ng mga Pilipino sa larangan ng tennis sa bansa.
Matapos selyuhan ang kaniyang puwesto sa quarterfinals, umaasa ang world No. 49 na ang unang hosting ng bansa para sa WTA 125 event ay magdadala sa sports sa mas mataas na antas.
“Sana ay kasing-ganado rin silang manood ng tennis gaya ko na ganadong maglaro nito,” pahayag ni Eala matapos ang kaniyang dominanteng 6-4, 6-0 na panalo laban kay Himeno Sakatsume ng Japan nitong Miyerkules, Enero 28, sa Rizal Memorial Tennis Center.
Sa harap ng punong-puno na stadium, hindi naging madali ang simula para kay Eala. Nakaranas siya ng kaba sa unang bahagi ng laro kung saan naiwan siya sa iskor na 1-2 at 3-4. Gayunpaman, mabilis na nakabawi ang Pinay ace, winakasan ang unang set sa 6-4, at tuluyang hindi pinapuntos ang kalaban sa second set.
Ito ay matamis na pagbawi ni Eala kay Sakatsume matapos ang kaniyang pagkatalo rito noong 2023 Japan Open.
“Masaya ako kahit naging dikit ang iskor noong una. Maraming mahihirap na posisyon sa laban na ito, lalo na sa first set, pero proud ako sa paraan ng pagkakalaban ko,” dagdag ng 20-anyos na atleta.
Sa kabila ng pabago-bagong panahon, hindi natinag ang mga Pinoy fans na nagbigay ng lakas kay Eala sa bawat puntos.
“Sa kabila ng ulan at init, nandito pa rin kayo,” pasasalamat ni Eala sa mga manonood na hindi iniwan ang stands simula pa sa kaniyang unang laban laban kay Alina Charaeva.
Bilang tanging Pilipinong natitira sa torneo, nakatakdang harapin ni Eala si Camila Osorio ng Columbia sa quarterfinals ngayong Huwebes, Enero 29, sa parehong venue. (Ron Tolentino)
