File photo
Bilang bahagi ng patuloy na paglilinis sa kanilang hanay, inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagbubukas ng 2,000 bakanteng posisyon sa mga distrito at rehiyonal na tanggapan ng ahensya.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kumuha ng mga batang propesyunal upang tumulong sa pagpuksa ng katiwalian sa loob ng departamento.
Ayon kay Dizon, prayoridad nilang punan ang mga posisyon gamit ang mga “insiders” o mga kasalukuyang empleyado ng DPWH, kabilang ang mga job order workers, na nagpakita ng integridad, husay, at sipag sa trabaho.
Gayunpaman, binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa “fresh blood” o mga bagong sibol na lisensyadong inhenyero at fresh graduates na magiging katuwang sa pagresolba sa mga problema ng ahensya.
Sa isang job fair na dinaluhan ng mahigit 300 estudyante, tinawag ni Dizon ang recruitment drive na isang “golden opportunity” para sa mga kabataan na maging bahagi ng solusyon.
Aniya, kailangang tanggalin ang mga “bulok na itlog” sa organisasyon at palitan ng mga taong tapat sa serbisyo. Nakatakda ring magsagawa ng katulad na job fairs sa mga prestihiyosong unibersidad tulad ng UP, UST, Ateneo, DLSU, at PUP.
Kasabay ng malawakang hiring, isinagawa rin ang sweeping leadership changes kung saan 12 sa 17 regional directors ang pinalitan na.
Nagtalaga na ng mga bagong regional directors at assistants sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Negros Island Region, bukod sa iba pa.
Apat na regional directors, dalawang assistant directors, at dalawang district engineers naman ang tuluyan nang sinibak sa pwesto.
Ayon sa DPWH chief, krusyal ang papel ng mga rehiyonal na tanggapan upang matiyak na ang mga flood control projects at mga imprastraktura ay sumusunod sa tamang procurement rules at aprubadong structural plans.
Ang mga pagbabagong ito ay bahagi ng mas matinding kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon at para sa mas de-kalidad na serbisyo publiko.
