Buweltada ang ibinato ng Malacañang nitong Linggo laban kay Senadora Imee Marcos matapos ang naging komento nito sa kalusugan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang mensahe sa mga reporter, tahasang sinabihan ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang senadora na huwag maging insensatibo at huwag gawing katatawanan ang kalagayan ng Punong Ehekutibo. Ito ay matapos sabihin ni Sen. Imee na posibleng lumala ang kalusugan ng Pangulo dahil umano sa kawalan ng maayos na nag-aalaga rito.
“Huwag natin gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo,” ani Castro. “Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang tao na may pinagdaanang karamdaman. Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami.”
Nitong nakaraang Huwebes, isinailalim ang 68-anyos na Pangulo sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos makaramdam ng discomfort. Gayunpaman, nakabalik na ito sa Malacañang upang ipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin.
Mismong ang Pangulo ang nagkumpirma na dumanas siya ng diverticulitis, isang kondisyon na aniya ay karaniwan sa mga indibidwal na nakararanas ng matinding stress at nagkakaedad. Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na hindi seryoso ang kanyang naging karamdaman at nasa maayos na siyang kalagayan.
Sa kabila nito, naging mainit ang pagtanggap ng Palasyo sa pahayag ng senadora, na tila nagpapahiwatig ng tensyon sa pagitan ng mga opisyal ng Palasyo at ng kapatid ng Pangulo pagdating sa usapin ng personal na pangangalaga sa lider ng bansa.
