Kailangang bumalik sa Pilipinas at humarap nang personal ang puganteng dating mambabatas na si Zaldy Co kung nais niyang maging saksi sa isa sa mga impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang naging mariing pahayag ni Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, sa isang forum nitong Sabado, Enero 24.
Ayon kay Luistro, bagama’t karapatan ng sinuman ang magbigay ng testimonya, ang mga alituntunin ng impeachment sa ilalim ng House of Representatives ay nag-aatas na ang lahat ng affidavit at counter-affidavit ay dapat panumpuan sa harap mismo ng chairperson ng komite.
Dahil dito, binigyang-diin ni Luistro na “definitely” o tiyak na kailangang umuwi ni Co upang pormal na tanggapin ang kanyang mga pahayag bilang ebidensya.
Ang naging posisyon ni Luistro ay tugon sa naging balak ng grupo ni dating mambabatas Mike Defensor na gamitin si Co bilang “critical witness” sa kanilang isinusulong na impeachment. Naniniwala si Defensor na may personal na kaalaman si Co sa mga alegasyon ng korapsyon sa flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Bagama’t nagpahayag si Defensor na handa si Co na magtestigo sa pamamagitan ng video conference mula sa kinaroroonan nito, sinabi ni Luistro na hindi pa niya nakikita sa kasalukuyang rules ng Kamara kung pinapayagan ang ganitong setup para sa impeachment.
Nanatili ang kanyang paninindigan na ang pagharap at panunumpa sa harap ng komite ay bahagi ng ministerial na proseso upang matiyak ang kredibilidad ng ebidensya.
Sa kasalukuyan, pinaniniwalaang nagtatago si Co sa Portugal habang may nakabinbing arrest warrant laban sa kanya para sa mga kasong graft at non-bailable malversation.
Ang mga kasong ito ay nag-ugat sa umano’y substandard na P289.5-million flood control project sa Oriental Mindoro.
Habang mainit ang usapin kay Co, nilinaw din ni Luistro na wala pa siyang pormal na opinyon kung maituturing nang “rejected” ang dalawang impeachment complaints na sinubukang ihain noong Huwebes ng grupong Bayan at ng kampo ni Defensor.
Ayon sa ulat, hindi opisyal na natanggap ang mga nasabing reklamo dahil wala sa bansa si House Secretary General Cheloy Garafil at walang awtorisadong staff na tumanggap nito, bagama’t naniniwala si Luistro na ministerial lamang ang tungkuling ito ng Secretary General na dapat nang iwan sa desisyon ng kanyang opisina kapag nakabalik na ito mula sa Taiwan.
