Sa pinakahuling ulat ng OCTA Research na inilabas nitong Sabado, Enero 24, lumabas na ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa ang naging numero unong pambansang usapin para sa mga Pilipino sa huling bahagi ng 2025.
Batay sa kanilang survey noong Disyembre, umakyat sa 45 porsyento ang bilang ng mga tumutukoy sa sapat na kita bilang pinaka-urgent na isyu, isang malaking pagtalon mula sa 27 porsyento noong nakaraang Setyembre.
Dahil sa pagbabagong ito, naungusan na ng usaping sahod ang pagkontrol sa presyo ng mga bilihin o inflation na dating nangunguna sa listahan simula pa noong Marso 2022.
Ang mga nag-aalala sa inflation ay bumaba sa 41 porsyento, habang ang iba pang mga isyung binigyang-diin ay ang pagkakaroon ng abot-kayang pagkain, pagsugpo sa korapsyon sa gobyerno, at ang pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon.
Ayon sa pagsusuri ng OCTA Research, bagama’t tila nababawasan ang kagyat na takot sa pagtaas ng presyo ng bilihin, mas nakatuon na ngayon ang mga kabahayan sa “income adequacy.”
Ipinapakita nito na marami pa ring pamilya ang hirap sa kanilang kasalukuyang kinikita upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan at makapaghanda sa mga biglaang gastusing hindi palaging nakikita sa mga pangkalahatang poverty indicators.
Sa aspeto naman ng personal na buhay, nananatiling prayoridad ng 68 porsyento ng mga Pilipino ang pananatiling malusog at pag-iwas sa sakit.
Kasama rin sa mga pangunahing personal na layunin ang pagtatapos ng pag-aaral o pagsuporta sa edukasyon ng mga anak, pati na rin ang kasiguraduhan na may sapat na makakain ang pamilya sa araw-araw.
Bilang tugon sa ganitong mga hinaing, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng dagdag-sahod sa ilang sektor.
Kabilang dito ang 800 pisong umento sa buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa National Capital Region na nagresulta sa 7,800 pisong sahod.
Gayundin sa Northern Mindanao, itinaas na ang daily minimum wage sa 486 hanggang 500 piso depende sa kategorya, habang ang buwanang kita ng mga kasambahay sa naturang rehiyon ay itinakda na sa 6,500 piso.
