Sa isang sorpresang pag-amin, kinumpirma ng Broadway legend na si Lea Salonga na matagal na silang hiwalay ng kanyang asawang si Robert Chien.
Sa panayam ng entertainment journalist na si MJ Marfori via TikTok nitong Miyerkules, Enero 21, kaswal na nabanggit ng “Disney Legend” ang tunay na estado ng kanilang relasyon habang pinag-uusapan ang pagpapalaki sa kanilang anak na si Nic Chien.
Ayon kay Lea, hindi sikreto sa mga malapit sa kanila ang kanilang paghihiwalay. Bagama’t hindi na nagbigay ng detalye kung kailan o bakit natapos ang pagsasama, binigyang-diin niya na maayos ang kanilang ugnayan.
“It’s not a secret that we’ve been separated for a while. And now he’s happy and I’m happy that he’s happy,” pahayag ni Lea.
Ibinahagi rin ng aktres na may bagong partner na si Robert, at nagpapasalamat siya dahil nananatili itong katuwang sa pag-aalaga kay Nic, lalo na sa mga simpleng bagay tulad ng pagpapadala ng pagkain kapag may sakit ang anak.
Sentro rin ng panayam ang pagiging “proud mom” ni Lea kay Nic, na kasalukuyang nagna-navigate ng buhay bilang isang trans man. Inihalintulad ni Lea ang pagkakaroon ng anak sa isang “blind box” kung saan hindi mo alam ang iyong makukuha, ngunit tungkulin ng magulang na tanggapin at suportahan ito.
Bagama’t batid ni Lea na may mga taong magkakaroon ng negatibong opinyon sa kanyang mga desisyon para sa kalusugan at kapakanan ni Nic, iginiit niyang gagawin niya ang lahat ng kinakailangan para sa kanyang anak anuman ang sabihin ng iba.
Matatandaang ikinasal sina Lea at Robert noong Enero 2004 at biniyayaan ng anak makalipas ang dalawang taon.
Sa kasalukuyan, patuloy na namamayagpag ang dalawa sa mundo ng teatro kung saan bahagi si Lea ng “Les Miserables World Tour Spectacular” bilang Madame Thénardier, habang si Nic naman ay kasama sa cast ng Philippine staging ng “Spring Awakening” bilang Moritz matapos silang magkasama ng kanyang ina sa “Into the Woods” noong nakaraang taon. (MADS REYES)
