Nadakip na ng mga awtoridad ang suspek na itinuturong responsable sa isang kaso ng indiscriminate firing na kumitil sa buhay ng isang babae sa Tondo, Manila noong nakaraang holiday season.
Kinumpirma ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagkakaaresto sa 24-anyos na suspek na kinilalang si Kyle, na nasakote ng mga pulis sa Barangay 118 nitong Lunes.
Ayon sa detalye ng alkalde, ang suspek ay miyembro ng “Batang City Jail” at muling namataan sa Tondo habang bumibisita sa mga kakilala.
Sa ginawang livestream nitong Martes, binanggit ni Domagoso na muli na namang may dalang armas ang suspek at tila nagbabalak pang makipag-shootout nang ito ay maaresto.
Ang malagim na insidenteng kinasangkutan ni Kyle ay nangyari umano noong madaling araw ng Pasko sa Barangay 120, Tondo, sa gitna ng isang inuman kung saan nagpaputok ito ng baril nang walang pakundangan na nagresulta sa pagkamatay ng isang biktima.
Kasalukuyan nang nasa ilalim ng kustodiya ng Manila Police District (MPD) ang suspek at nahaharap sa patung-patong na reklamo.
Kabilang sa mga isasampa laban sa kaniya ang kasong homicide, alarm and scandal, at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang babala ng pamahalaang lungsod laban sa mga iresponsableng gumagamit ng baril na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga mamamayan.
