Magandang balita para sa industriya ng pagbibiyahe matapos makapagtala ang Pilipinas ng tinatayang 6.4 milyong bisita noong nakaraang taon, ayon sa ulat ng Department of Tourism (DOT).
Batay sa datos mula sa Bureau of Immigration na ibinahagi ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, umabot sa kabuuang 6,430,133 ang naitalang arrivals sa bansa noong 2025. Kasama sa bilang na ito ang 543,009 na mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa o overseas Filipinos.
Ipinapakita ng datos ang progresibong pagtaas ng mga dayuhang turista sa bansa sa nakalipas na apat na taon:
- 2025: 6.43 milyon
- 2024: 5.94 milyon
- 2023: 5.45 milyon
- 2022: 2.65 milyon
Bagaman malinaw ang pag-angat, hindi pa rin nito natatapatan ang record high na 8.26 milyong turista noong 2019 bago tumama ang pandemyang COVID-19 na nagpatigil sa pandaigdigang pagbibiyahe.
Inamin ni Secretary Frasco na nahaharap pa rin ang industriya sa mga “institutional challenges” gaya ng imprastruktura, connectivity, at ang kawalan ng mabilis na sistema ng pagpasok sa bansa. Gayunpaman, binigyang-diin niya na patuloy ang DOT sa pagpapatupad ng mga reporma upang mapabuti ang serbisyo.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang pagpapalawak ng visa-free access para sa mga pangunahing merkado. Kamakailan ay inilunsad ang 14-day visa-free entry para sa mga Chinese nationals, bukod pa sa mga pribilehiyong ibinibigay sa mga turista mula sa Taiwan at India.
Isinusulong din ng ahensya ang pagkakaroon ng mas maraming flight patungo sa Pilipinas, partikular na mula sa mga lungsod sa India, United States, Middle East, gayundin sa Spain, Italy, at United Kingdom.
Mula Enero hanggang Nobyembre 2025, ang China ang panglima sa may pinakamaraming turistang dumating sa bansa (248,339 arrivals), habang nananatiling nangunguna ang South Korea, na sinundan ng USA, Japan, at Australia.
