Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules ang pagbibigay-pugay sa mga atletang Pilipino na lumahok sa ika-33 Southeast Asian (SEA) Games, kung saan kaniyang binigyang-diin ang commitment ng pamahalaan na itaas ang kalidad ng sports development sa Pilipinas.
Sa kaniyang talumpati, ipinahayag ng Pangulo na ang mga hakbang na ito ay mahalaga upang hubugin ang susunod na henerasyon ng kabataang nangarap at naniniwalang makapagbibigay sila ng dangal sa bansa sa pamamagitan ng palakasan.
Binigyang-diin ni Marcos na pinalalawak na ng gobyerno ang mga grassroots at youth sports programs, habang patuloy na dinaragdagan ang mga kinakailangang pasilidad at pinalalakas ang suporta para sa mga atletang nakikipagsabayan sa pandaigdigang entablado.
Bilang pagkilala sa tagumpay ng mga atleta, inanunsyo ng Office of the President ang pagbibigay ng cash incentives na nagkakahalaga ng P300,000 para sa mga gold medalist, P150,000 para sa silver, at P60,000 para sa mga nakasungkit ng bronze, habang makatatanggap naman ng P10,000 ang mga lumahok sa iba pang kompetisyon sa labas ng SEA Games.
Sa kaniyang mensahe, pinatunayan aniya ng mga atleta na ang tagumpay ay hindi aksidente kundi bunga ng pagsisikap at muling pagbangon sa bawat pagkakataon.
Espesyal na binanggit ng Pangulo sina Alex Eala para sa kaniyang makasaysayang ginto sa women’s singles tennis, si EJ Obiena para sa kaniyang pang-apat na sunod na ginto sa pole vault, at ang Philippine Women’s National Football Team para sa kanilang kauna-unahang ginto sa pagbubukas ng women’s football sa SEA Games na tinawag niyang isang “herstory” na dapat ipagmalaki.
Ang delegasyon ng Pilipinas sa nagdaang SEA Games ay binuo ng mahigit 1,500 atleta, na itinuturing na pinakamalaking bilang sa kasaysayan ng bansa sa nasabing kompetisyon.
Ayon sa Pangulo, ang pagsuporta sa mga ganitong adhikain ay paraan upang mas marami pang kabataang Pilipino ang sumunod sa yapak ng mga kampeon at magpursige sa larangan ng palakasan. (RON TOLENTINO)
