Matapos ang kanyang naging kampanya sa Australian Open, lumapag na sa bansa ang Pinay tennis sensation na si Alex Eala nitong Miyerkules ng gabi upang kumpirmahin ang kanyang paglahok sa kauna-unahang Philippine Women’s Open (PWO).
Dumating si Eala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at agad na nagpahayag ng pananabik para sa nasabing torneo na gaganapin simula Enero 24 hanggang 31 sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Maynila.
Sa isang pahayag na inilabas sa opisyal na Facebook page ng PWO, inanyayahan ng batang atleta ang mga Pilipino na saksihan ang kompetisyon.
“Maglalaro ako sa susunod na linggo. Inaasahan ko ang pagkakataong ito at sana ay makapunta ang mga tao para suportahan ang mga Pinay,” ani Eala.
Binigyang-diin din ni Eala na ang paglulunsad ng PWO ay isang malaking hakbang para sa larangan ng tennis sa bansa. Itinuturing niya itong isang “huge milestone” o mahalagang yugto para sa lahat ng mga Filipina tennis players.
Ang Philippine Women’s Open ay inaasahang magiging entablado para sa mga lokal at dayuhang manlalaro, kung saan si Eala ang magsisilbing isa sa mga pangunahing atraksyon ng nasabing inaugural event. (RON TOLENTINO)
