Muling nahaharap sa serye ng mga kasong kriminal sa Sandiganbayan si dating Senador Bong Revilla matapos maghain ang Office of the Ombudsman ng mga sakdal nitong Biyernes, Enero 16, kaugnay ng maanomalyang proyekto sa Bulacan.
Nahaharap si Revilla at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Malversation.
Kasama sa mga kinasuhan sina Dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez, Dating DPWH Engineer Jaypee Mendoza, mga Engineer na sina Arjay Domasig at Emelita Juat, Sina Juanito Mendoza at Christina Pineda.
Nag-ugat ang kaso sa P92.8-million flood control project sa Pandi, Bulacan na iginawad noong Marso 28, 2025. Ayon sa Ombudsman, nagkuntsabahan ang mga akusado upang mapalabas ang halagang P76 milyon kahit wala namang aktwal na konstruksyong naganap.
“Sa kabila ng kawalan ng anumang aktwal na konstruksyon, idineklara ng mga respondente na tapos na ang proyekto. Upang mapabilis ang paglabas ng pondo, pineke ang mga accomplishment report, nag-isyu ng mga fraudulent billing documents, at inendorso ang mga disbursement vouchers,” pahayag ng Ombudsman
Dahil sa bigat ng kasong malversation, inirekomenda ng mga piskal na huwag payagang magpiyansa ang mga akusado, na nangangahulugang mananatili silang nakadetene habang gumugulong ang paglilitis kapag sila ay naaresto.
Ito na ang ikatlong malaking kasong isinampa sa korte kaugnay ng mga flood control projects, kasunod ng mga kaso laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co (Nobyembre) at contractor na si Sarah Discaya (Disyembre).
Matatandaang noong Setyembre 2025, idiniin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si Revilla bilang isa sa mga tumanggap umano ng “kickbacks” mula sa mga kaduda-dudang proyekto ng gobyerno.
Bago ang bagong kontrobersyang ito, si Revilla ay naging sentro rin ng Pork Barrel Scam na kinasangkutan ng kanyang P124.5-milyong discretionary funds. Bagama’t naharap sa plunder at 16 na counts ng graft, napawalang-sala siya ng Sandiganbayan sa lahat ng naturang kaso noong 2018 at 2021.
