“Walang luxury car kami na hindi utang.”
Ito ang mariing depensa ng kontratistang si Curlee Discaya sa gitna ng kinakaharap na imbestigasyon at pagkumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa kanilang mga mamahaling sasakyan.
Ayon sa source na malapit sa mga Discaya na ayaw magpabanggit ng pangalan, sinabi ng naturang kontraktor na ang kanilang mga ari-arian ay hindi bunga ng katiwalian kundi mga obligasyong pinansiyal na binabayaran pa nila hanggang ngayon, malayo sa iniisip ng mga tao.
Binigyang-diin ni Discaya na ang imahe ng kanilang “labis na kayamanan” ay isang maling persepsyon.
Aniya, ginagamit lamang nila ang mga naturang sasakyan para sa kredibilidad ng kanilang kumpanya, ngunit ang katotohanan ay nakasandal ang mga ito sa mga pautang.
“Sabi nila ang yaman daw namin… sa totoo lang, utang nga yan eh. Wala kaming sasakyan na luxury na hindi utang,” giit ni Discaya.
Kinuwestyon din ni Discaya ang lohika sa likod ng pagkilos ng BOC. Ayon sa kanya, kung kinuha na ang kanilang mga sasakyan, dapat itong ituring na restitution o kabayaran na sa gobyerno.
Reklamo pa niya, binili nila ang mga sasakyan sa isang lokal na dealer na si Edward Fuentebella sa ilalim ng “good faith.” Iginiit niya na wala silang direktang kinalaman sa pag-import dahil wala silang kaukulang lisensya para rito.
Ayon pa sa source, pinuna rin ni Discaya kung bakit sila ang kinakasuhan habang ang dealer na nagbenta sa kanila ay patuloy pa ring malayang nagpapatakbo ng negosyo.
Matatandaan na ibinunyag din ni Curlee na ang pagbili sa nasabing dealer ay base sa rekomendasyon ni Quezon 3rd District Rep. Reynante Arrogancia ng Quezon Province.
Naniniwala si Discaya na ang “lifestyle check” at ang pag-atake sa kanilang mga ari-arian ay bahagi ng isang mas malaking laro sa pulitika.
Aniya, ginagawa silang “sacrificial lamb” upang hindi umabot ang imbestigasyon sa mas matataas na opisyal na tunay na sangkot sa mga isyu ng pondo sa imprastraktura.
Sa huli, nanawagan si Discaya ng patas na pagtrato, lalo’t marami rin umanong mga pulitiko ang kliyente ng naturang dealer at mahilig din sa mga luxury cars. (Arnold Pajaron Jr)
