Kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na hindi kabilang ang Pilipinas sa listahan ng 75 bansa na apektado ng pansamantalang pagpapatigil ng United States sa pagproseso ng mga immigrant visa.
Sa isang mensahe nitong Huwebes, mariing itinanggi ni Romualdez ang pagkakasama ng bansa sa nasabing suspensyon matapos maglabas ng direktiba ang US State Department sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Marco Rubio.
Ang hakbang na ito ng Amerika ay alinsunod sa mas malawak na kautusang inabas noong Nobyembre na naghihigpit sa mga panuntunan para sa mga potensyal na imigrante na posibleng maging “public charges” o maging pabigat sa sistemang pinansyal ng Estados Unidos.
Nilinaw ng State Department na ang suspensyon ay para lamang sa mga immigrant visa applications at hindi sakop ang mga aplikanteng kukuha ng non-immigrant visas, gaya ng mga pansamantalang tourist o business visas.
Sa mga naunang pahayag ng kagawaran, binigyang-diin nila na layunin ng administrasyong Trump na wakasan ang umano’y pang-aabuso sa sistema ng imigrasyon ng Amerika ng mga indibidwal na nais lamang makinabang sa yaman ng mga mamamayang Amerikano.
Sa kabila nito, mananatiling normal ang daloy ng aplikasyon para sa mga Pilipinong nagnanais manirahan nang permanente sa naturang bansa dahil hindi ito kasama sa mga pinatawan ng paghihigpit.
Kabilang sa mahabang listahan ng mga bansang apektado ng suspensyon ay ang Afghanistan, Bangladesh, Brazil, Cambodia, Cuba, Egypt, Haiti, Iran, Iraq, Nigeria, Pakistan, Russia, Thailand, at Vietnam, kasama ang marami pang bansa mula sa Africa, Central at South America, at Middle East.
Dahil sa kumpirmasyon mula sa Embahada ng Pilipinas, mapapanatag ang loob ng mga kababayang kasalukuyang nagpoproseso ng kanilang papeles para sa pangingibang-bayan.
Tiniyak ni Ambassador Romualdez na patuloy ang kanilang pagsubaybay sa mga polisiya ng Washington upang agad na maabisuhan ang publiko sa anumang pagbabago sa patakaran sa imigrasyon. (Limuel Tolentino)
