Photo Credit: Watchmen Daily Journal
Handa na ang pambato ng Pilipinas na si Alex Eala na simulan ang kanyang kampanya sa 2026 Australian Open kung saan makakasagupa niya ang Amerikanong si Alycia Parks sa unang round ngayong Linggo sa Melbourne Park, Australia.
Ang 20-anyos na tennis star ay pasok na sa main draw matapos makamit ang career-high ranking na No. 49 sa buong mundo, isang tagumpay na nakuha niya matapos ang kahanga-hangang pag-abot sa semifinals ng kamakailang 2026 ASB Classic sa Auckland.
Dahil sa pagpasok niya sa Top 50, direktang nakakuha ng entry si Eala sa prestihiyosong torneo nang hindi na kailangang dumaan sa qualifying rounds.
Inaasahang magiging hamon para kay Eala ang lakas ng 25-anyos na si Parks, na kasalukuyang nasa ika-100 pwesto sa world rankings.
Kilala ang Amerikanong manlalaro sa kanyang tinaguriang “killer serves,” kung saan hawak niya ang rekord para sa pinakamabilis na serve na naitala ng isang babae sa kasaysayan ng US Open na may bilis na 129 mph.
Ang bilis na ito, na naitala niya noong 2021, ay pumantay sa rekord ng tennis legend na si Venus Williams noong 2007.
Bukod sa bilis, liyamado rin si Parks sa taas na 6-foot-1 kumpara sa 5-foot-9 na taas ng Pinay sensation.
Gayunpaman, hindi magpapahuli ang tactical na laro ni Eala na kilala sa kanyang mabisang left-handed forehand movement at matalinong counterpunching sa loob ng court.
Bagama’t nakamit ni Parks ang kanyang peak ranking na No. 40 noong 2023 matapos magwagi sa Lyon Open, ang momentum ay nasa panig ni Eala dahil sa kanyang paangat na career trajectory ngayong taon.
Inaasahan ng mga tennis fans ang isang kapana-panabik na tapatan sa pagitan ng lakas ni Parks at ng liksi at stratehiya ng batang pambato ng Pilipinas sa Melbourne.
