Muling nahaharap sa patung-patong na kasong plunder, technical malversation, at graft sina Executive Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr. matapos magsampa ng bagong reklamo ang isang koalisyon ng mga doktor, health advocates, at mga abogado sa Office of the Ombudsman ngayong Huwebes.
Ang nasabing reklamo ay nag-ugat sa kontrobersyal na paglilipat ng P60 bilyong excess reserve funds mula sa PhilHealth patungo sa pambansang kaban, na ayon sa grupo ay isang malinaw na paglabag sa Republic Act No. 7875 o National Health Insurance Act at Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act.
Sa kanilang 31-pahinang reklamo, hiniling ng grupo sa anti-graft body na magsagawa ng preliminary investigation upang matukoy ang posibleng pananagutang kriminal, sibil, at administratibo ng dalawang opisyal, kabilang na ang grave misconduct.
Binigyang-diin ng mga nagrereklamo na ang nasabing pondo ay inilipat sa national treasury upang pondohan ang mga unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act, isang hakbang na idineklara na ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon.
Ayon sa koalisyon, ang paglilipat ng pondo ay nagdulot ng malaking pinsala sa gobyerno, sa mga miyembro ng PhilHealth, at sa pangkalahatang publiko kaya nararapat lamang na managot ang mga sangkot dito.
Ang kasong ito ay ikalawang bugso na ng mga reklamo laban kina Recto at Ledesma matapos magsampa ng katulad na mga sakdal ang Save the Philippines Coalition noong Disyembre ng nakaraang taon.
Matatandaang sa desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 3, 2025 na isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, nagkakaisang ipinag-utos ng mga hurado ang pagbabalik ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth na nauna nang nai-remit sa national treasury.
Kasabay nito, permanente na ring ipinagbawal ng mataas na hukuman ang paglilipat ng natitira pang P29.9 bilyon mula sa pondo ng ahensya.
Bagama’t itinigil ng Korte Suprema ang paglipat ng pondo dahil sa grave abuse of discretion, hindi nito direktang tinalakay ang kriminal na pananagutan nina Recto para sa plunder o technical malversation, na siyang sinusubukan ngayong habulin ng mga grupo sa pamamagitan ng Office of the Ombudsman.
